|
Pagsusuri sa Pelikulang Barako |
|
|
|
|
Written by Christine Marie Lim Magpile
|
|
Malamig ang gabi habang pinanonood namin ang Barako. Nakakaakit tuloy matulog lalo na't mapanghele pa ang tunog ng mga kuliglig. Kahit wala naman akong kapeng barakong ininom, gising na gising ako. Hindi kasi mapakali ang aking diwa. Bakit kaya "Barako" ang pamagat ng pelikula at ano ang sinisimbulo nito?
Kinakailangang mapanood nang buo ang pelikula para masagot ang katanungan. Pinamagatang Barako ang pelikula dahil sa Batangas ang tagpuan kung saan likas ang kapeng barako. May mga eksena ring nagpapakita ng pag-inom ng kapeng barako ng mga tauhan.
Kung susuriing mabuti, di lang pagkakaroon ng kapihan at pag-inom ng barako ang nais ikuwento ng pelikula. Inilalarawan nito ang iba't ibang uri ng mga Pilipino. Inilalahad din ng Barako ang kalagayan ng mga tao at kung paano nila hinaharap ang hamon ng buhay.
Sinisimbulo ng kapeng barako ang buhay at kapalaran ng isang tao. Dumadaan muna sa isang mahabang proseso ang butil na inani bago ito maging isang kapeng barako. Kinakailangang tama ang prosesong pagdadaanan upang maging husto ang timpla at masarap ang kape.
Ganoon rin ang buhay ng tao. Marami siyang kinakailangang pagdaanan para magkaroon ng kaganapan at maisakatuparan ang minimithi sa buhay. Subalit dapat niyang tahakin ang wastong landas kahit na mahirap o mapanganib ito.
Ang pelikulang Barako ay katulad ng kapeng barako. Pareho nilang ginigising ang tulog na diwa ng mga tao para bumangon at kumilos. Ipinahihiwatig ng pelikula na kung mananatili lang tayong nagmamasid o nakaupo, ang ating kinabukasan ay magiging mas mapait pa sa kape.
Masarap langhapin ang amoy ng mainit na kapeng barako habang papasikat pa lamang ang araw. Nakapagdudulot ito ng lakas. Masarap uminom ng kapeng barakong mainit kapiling ng ating pamilya o mahal sa buhay. Nakapagdudulot ito ng pag-asa.
Ang pelikulang Barako ay kuwento nating mga Pilipino sa paghahanap ng kalayaan sa kahirapan at liwanag na makita ang daan tungo sa magandang kinabukasang hinangad at ipinaglaban ng ating mga bayani.
|