|
Sori, Maan, kung naghanap ka ng lutang na paninindigan ng kababaihan sa Barako ngunit hindi mo natagpuan. Kailangan nating tanggaping realidad ito sa naturang bayan, na siya ring realidad na inilarawan ng pelikula. Dahil ito'y base sa mga totoong tao at pangyayari, kahit kaila'y hindi ko narinig na dumaing para sa pagbabago sina Susan, Angie at Dolores, at hindi magiging makatarungan sa kanila at sa akin na itulak ko silang magpahayag ng kahit ano sa ngalan ng ideolohiya (feminismo, kung gusto mo).
Para sa akin, mas matimbang ang realismo kaysa sa anumang kapahayagan (statement). Kagaya rin na hindi isang ideyal para kay Rizal si Maria Clara, kundi isang karikatura lamang (hindi kailangang sabihin ni Rizal na 'hindi dapat ganito'). Kung naging mas maingay ang kalalakihan sa bayang ito sa Batangas, iyan ay realidad, at hindi ko ginustong maging sunud-sunuran si Susan, maging puta si Angie, at kumabit si Dolores para makaahon sa buhay. Mga desisyon nila iyan, at kahit ako ang filmmaker--hindi ko iyan idinidikta sa aking mga tauhan, ni ang tubusin ko sila sa kanilang mga kalagayan.
Kung hindi lutang ang papel ng kababaihan sa pagbabago ng naturang bayan, aba'y gawan n'yo ng paraan (kayong mga nasa kilusan) na magsalita sila at hindi maging sunud-sunuran! Sa abot ng alam ko, ang organisasyon ng kababaihan sa amin ay laging kinakasangkapan ng mga nakapuwesto sa pulitika, at karamihan sa kanila'y walang pakialam sa pagbabago.
Kung gusto ninumang magpakita ng ibang larawan ng kababaihan, kailangan niyang humanap ng totoong mga tao, at hindi ang maglahad ng pawang ideyal lamang. Sigurado akong makakakita siya, ngunit hindi sa nabanggit na bayan at pelikula. Sa ibang lugar, marami akong kilalang babaeng may mahusay na paninindigan at handang magbuwis ng buhay para rito, subalit ang kultura at kasaysayan ng isang lugar ay hindi kapareho ng iba pa.
Sana, mas makita ninyo ang marami pang dapat gawin tungo sa pagkamulat ng kababaihan (at ng kalalakihan din!). Sa kabila ng punang didaktiko (talaga namang didaktiko at maingay ang Batangueño!), isa ito sa maraming hindi tuwirang mensahe ng pelikulang Barako.
Maraming salamat sa panahong iniukol sa pelikula at sa rebyu.
- MANOLITO C. SULIT, tugon sa "Sapagkat ang Kapeng Barako ay Para sa MGA ‘Barako’ Lamang?" Isang Femenistang Pagbasa(g) sa Indie Pelikulang Barako ni Manolito Sulit ni Prof. Marian A. Caampued, Departamento ng Filipino, Pamantasang De La Salle
Narito ang kumpletong rebyu:
"Sapagkat ang Kapeng Barako ay Para sa MGA ‘Barako’ Lamang?"
Isang Femenistang Pagbasa(g) sa Indie Pelikulang Barako ni Manolito Sulit
ni Prof. Marian A. Caampued, Departamento ng Filipino, Pamantasang De La Salle
Nakakatuwang isipin na sa kasagsagan ng mga usaping pagtaas ng presyo ng langis na kasunod ng pagtaas ng mga bilihin sa palengke o simpleng sari-sari store, kakulangan sa bigas at iba pang krisis na bumabalot sa bansa, ay nakasalikop ang katotohanang unti-unti nang namumulat at napapansin ng mga tao ang mga indipendent films. Sa ganitong siste ay mayroon nang alternatibong pagpipilian ang mga manonood at hindi na lamang naghihintay sa mga pelikulang meynstrim.
Madalas, pinupuri ang mga ganitong uri ng pelikula sapagkat hindi gaya sa meynstrem, naghahain ito ng mga usaping direktang may kinalaman sa ating buhay at lipunan. Makakaramdam ang manonood ng nosyon at pakiramdam na isa siya sa mga bida sa loob ng pelikula sapagkat nakikita at nararannasan nito sa kaniyang pang-araw-araw na pamumuhay ang mga tunggaliang ipinapakita ng pelikula. Samakatuwid, kung ikukumpara sa mga pelikulang meynstrim na ngayo’y nakatuon sa pantasya, mahika at purong imahinasyon, mas may kapangyarihan ang mga indie films na ipaisip sa bawat manonood ang mga ideolohiyang nais nitong iparating. Kung kayang baguhin ng purong imahinasyon ang mentalidad ng isang tao, ang bagay pa kaya na nakikita nito sa realidad? Kumbaga ay mas maimpluwensya ito sa mga tao.
Kung gayon, bago pa man tuluyang sumikat at marahil maging meynstrem din ang mga indie films, mas mainam marahil kung ating basahin at basagin din ang mga mensaheng ipinapaabot ng bawat indie film na ito sa ating mga manonood. Lahat ba ng ideolohiya o pagpapahalaga ng mga ganitong pelikula ay makakabuti para sa mga manonood? Ang mga indie films ba, na pinaniniwalaang hulmahan ng mga mas realistiko at mas maayos na ideolohiya ay tunay na nagpapamulat o isa na namang kasangkapang bumubulag sa manonood, sa isang panibagong pamamaraan?
Sisikapin ng papel na ito na bigyang tugon ang mga naturang katanungan. Sa aking pananaw bilang isang femenista at isang babae, aking gagamitin ang indie film na Barako sa pagsuri. Sa papel ding ito, sisikapin kong batbatin at himay-himayin ang paggamit sa imahe ng babae bilang karakter sa naturang pelikula. Sa ganitong paraan, masisipat natin kung mayroon bang ipinagkaiba o anu-ano ang ipagkaiba nito sa mga pelikulang meynstrim sa usapin ng pagpapahalaga at ideolohiya.
Ang Barako sa Loob at Labas ng Pinilakang Tabing
Barako ang tawag sa kape ng mga taga-Batangas. Ito ang paboritong iniinom ng mga magkakaibigan lalo na ang mga matatanda habang nagpapalitan ng kani-kaniyang kuro-kuro ukol sa iba’t ibang usapin. Mauugat natin dito ang kuwento ng pelikulang Barako – isang kapihan sa gitna ng mga magkaka-barangay na sa paglaon ay nagsilbing marka sa kanilang pakikibaka, kasaysayan at kuwento ng buhay. Kuwento ito ng isang lalake na bagamat nag-aral sa lungsod ng Manila ay nagdesisyong bumalik sa kanilang probinsya – sa Batangas na nagpakita sa kaniya ng kahalagahan ng pagbabalik mula sa pangingibang-bansang kuwento ng kanilang pamilya. Sa kaniyang pagbabalik, kaniyang nagunita ang isang kasaysayan. Kasabay ng pagnamnam at pagsipsip sa lasa ng kanilang kape, nabuo ang isang samahan. Ito ay isang progresibong samahan na naglalayong magpamulat sa mga tao sa mga anomalya o maling nangyayari sa kanilang lipunan. Bunga ito ng kanilang nararanasang paghihirap na sa para sa kanila’y dulot ng pagpapabaya ng pamahalaan. Isang halimbawa nito ang kawalan ng kuryente, ang dahilan kung bakit nalugi ang negosyo ng isa sa mga karakter sa pelikula, gayong nagbabayad naman ang mga ito ng sapat na buwis. Napagpasyahan ng grupo, na ang miyembro ay pawang mga lalake, inihalintulad nila ang kanilang mga sarili sa barako bilang isang matapang na kape: di ka patutulugin, nakakakabog ng dibdib. Itinaguyod nila ang layunin ng kanilang grupo para sa kaayusan ng kanilang bayan. Subalit pagdating sa huli, sa panahon ng eleksiyon, sila ay nabigo. Sa pamamagitan ng pananakop at pagbilanggo, nasupil ang kanilang pag-iingay.
Katulad ng ibang mga indie films, masasabing maganda ang naturang pelikula. Tumalakay ito ng maraming kalakaran na, katulad ng inaasahan ng madami, tungkol sa mga totoong nangyayari sa ating bayan. Kitang-kita sa mga tauhan ang imahe ng mga matatapang na katipunero, gaya ng binigyang diin ng isang karakter sa pelikula. Ang katapangang ipinakita gamit ang pahayagan sa Batangas ay mahusay din, dagdag pa rito ang malinaw na pagbabalik-tanaw sa kasaysayan o nakaraan, di lamang ng Batangas kundi ng bansang Pilipinas sa kabuuan.
Mahusay din ang pelikula sa pagtalakay sa mga maliliit na bahagi, na sa karaniwang mga manonood ay hindi madaling pansinin. Magaling ang paglalarawan at pagtrato ng pelikula sa papel ng flag bearer na kung saan hanggang sa huli ay nanatili pa rin itong buo, bagay na nagbibigay daan sa mahusay na paggamit at pagpapakita ng simbolo sa pelikula. Masasabi kong akma at angkop din ang tunog o musika na ginamit. At isa pa, nagsilbing kakaiba para sa akin ang pelikula dahil mga kakilala at kaibigan ko mismong mga guro ang mga artista, hindi naman natin maikukubli na hindi rin matatawaran ang kanilang mga akting. Sa ganitong pagsipat ay masasabi nating hindi naman tayo lugi o sulit naman ang ating babayaran sa sinehan kung sakali man. Gayunpaman, katulad pa din ng mga karaniwang pelikula, Indie man o meynstrim, kakikitaan pa rin ito ng mga butas lalo na sa usapin ng kasarian – sa madaling salita, may kulang o may mali.
BARAKO: FEMINISTANG PAGBASA(G)
May dating na kapag indie film, kahit paano sensitibo sa usaping pangkasarian. Mahihinuha ito dahil sa kalakarang meynstrim, palasak ang sekswal na pagturing sa mga babae. Madalas nakakahon sila sa mga pamantayang nagkukubli sa kanilang mga kakayahan. Baluktot naman ang trato sa mga bakla at lesbiyan. Madalas pa nga talagang wala ang mga ito. Hindi kasali. Kasalungat sa kalakarang ito ang proseso at maaaring maging sa prinsipyo ng mga tagalikha ng indie films. Kung kaya naman, kapag indie film nga, abot langit ang inaasahan sa pagsulong ng abanteng kaisipan kabilang na ang binabanggit na pagtrato sa kababaihan, bakla at lesbiyan.
Ito ang dahilan kumbakit namanglaw ako nang mapanood ang Barako. Bilang feminista at guro, nakakadismayang matunton ang naging sitwasyon at portrayal sa kababaihan sa pelikula. Ito man ay sinadya o hindi, o idahilan man na hindi naman ito pelikulang pangkababaihan, nanghina ako sa materyal. Nakakapanghinayang sapagkat naging limitado na lamang ito sa ilang bagay at aspeto gayong marami pa itong kakayahan sa unang pagkakataong sa aking pagkagagap, maaaring maging sa Departamento ng Filipino nasayangan ako sa materyal na potensyal sanang makapagpamulat ng ilang usapin maging ng kasarian.
Sinadya man o hindi, nagmistulang mga inahin ang kababaihan sa indipendent film na ‘barako’. Hindi ko na tuloy naiisip na kape na lamang ang ibig sabihin ng salita/pamagat kundi sa dami ng iba pang nais tukuyin nito.
Una, walang babaeng tauhan sa Barako. Ang magagaling na mga mamamahayag ay pawang mga lalake, ang mabubuti at mahuhusay na guro ay pawang mga lalake, lalake ang karamihan sa lumalabang masang ipinakita – lalake lahat ang bida at ang mga babae, nakakaawa mang sabihin, ay kundi extra ay wala lang. Ang mga babae ang mga tauhang dinaanan lamang ng kamera, para masabing hindi lamang lalake ang nandoon, ay ayos na. Isa lamang ang sinasabi nito, ang representasyon ng mga babae sa pelikula ay gaya rin sa mga pelikulang meynstrim, mga latak lamang – parang dekorasyon, pangpadami o pampalabok ng kuwento – marahil isang dahilan kung bakit umabot sa kulang-kulang na tatlong oras ang pelikula.
Tingnan natin bilang halimbawa ang naging papel ng babaeng nagpapa-parlor sa kuwento. Isang babaeng walang ibang ginawa kundi magpaganda, para maging isang beauty queen o Ms. Barangay-sa-Batangas, na sa kabilang banda ay ‘sobre’ queen pala. Sa pagpapatuloy ng pelikula sa kuwento ng babae, naging parausan na lamang ng mga lalake. Bukod sa paggamit sa kaniya ng kaniyang ‘mabuting’ bugaw sa halagang P50, tuluyan na siyang pinuta – pampalipas ng oras, gaya ng papel niya sa buong pelikula. Pinakinabangan na siya para kumita ng pera ang kaniyang bugaw, pinakinabangan pa siya nang sekswal. Hindi rin natin palulusutin ang papel ng babaeng alalay ng nagpaparlor sa kaniya, na wala ding ibang ginawa kundi magparlor, isang gawaing nakasanayang ipataw, kundi sa mga bakla ay mga babae. Isang babae na nakikinig lamang at nakikinig, na wari ba’y walang karapatang magsalita at magbigay ng opinyon. Sa kaniyang kuwento, ginahasa siya ng isang lalakeng minsa’y nakaharap niya. Gayunpaman, nangibabaw ang kaniyang kahinaan ng loob kung kaya’t hindi na lamang ito kumibo at ang naging solusyon na lamang niya dito ay maghanap ng lalakeng magmamahal sa kaniya. Pagkatapos siyang putahin, nakahanap nga ito ng lalaking –aahon sa kaniya kahit na siya’y magiging kabit na lamang. Makikita natin na ang nangyaring ito sa kaniyang buhay, bagamat kumplikado animo’y katuparan ng kaniyang inaasam-asam na pangarap. Pumasok sa aking isipan na ang kaniyang papel ay nagbibigay-larawan sa imahe ng babaeng mababa ang aspirasyon sa buhay. Matapos matapilok sa panggagahasa ng isang lalake ay umaasang may lalake pa ring mag-aalalay sa kaniyang pagtayo.
Maging ang dalagitang kapatid ng isang nagmamay-ari ng kantina. Sa mga di maiiwasang pagbabastos ng ilang kustomer sa kanya na sa totoo lamang ay kaya naman niyang sagutin bilang may-ari, kailangan pa niyang tawagin ang kanyang Barakong kapatid upang magpatahimik sa mga nambabastos.
Ang asawa ng bidang lalake ay masasabing isang epitomiya din ng maling representasyon ng babae sa mga pelikula o kuwento. Nakikinig lamang sa lahat ng kuwento, hinaing o saloobin ng asawa, ‘yun lang ang kaniyang papel. Tila ba wala talaga siyang kalayaan na magsabi ng nasa loob, at kung magsabi man siya ay hindi rin papansinin ng asawa – parang isang hangin lang din. Hanggang sa umabot sa puntong hindi na nakayanan ng babae at naghiwalay na lamang sila.
Ang babaeng asawa ay hindi lamang basta nakikinig sa problemang inihahain sa kaniya ng kaniyang asawa, inuunawa niya rin ito at nag-iisip din ng mga posibleng solusyon. Hindi lamang siya titingin sa mata, tatango at yuyuko at aalis.
Wala itong ipinagkaiba sa imahe ng mga taong simbahan, o mga manang sa simbahan, na matapos tumitigtig sa rebulto ni Hesus, kumapa-kapa sa rosaryo ay palihim na nakikinig sa mga tsismis ng mga tao (paano na lang kung sariling panalangin ng tao ang pinapakinggan) at saka ipapamalita sa iba na tila ba walang esensya ang kaniyang pananalangin ng halos kalahating araw. Sa pelikula, makikita naman natin ang mga babaeng may panahon sa mga prusisyon subalit walang panahon sa pag-asikaso sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Sinasabi lamang nito na iba ang ginagawa ng babae sa halip na tumulong sa paglutas sa pangunahing suliranin ng kanilang bayan.
Hindi ako filmmaker at hindi ganoon kalawak ang aking kaalaman sa paglikha ng isang pelikula, gayunpaman, hindi ba maaaring magkaroon kahit isang magaling o mahusay man lang na babae sa loob ng pelikula? Kahit isang saglit lang, hindi ba maaaring magbigay ng suhestiyon ang babae para sa ikabubuti ng grupo, ng bayan ng Batangas, gayong mahaba naman ang pelikula? Bukod sa katapangang ipinakita ng mga guro, na sinasabing kabilang sa mga kalaban ng rebolusyon, wala na bang ibang matapang? Nakakatuwang isipin na sa loob ng pelikula ay tila lumalaban ang mga tauhang babae para sa kanilang representasyon o exposure sa pelikula. At ang masama pa, sa halip na magtulungan ang mga babae sa minimithing ito, tila ang mga babae pa ang lumaban sa kanilang kauri. Makikita ito sa mga gurong babae na nagpaalis sa progresibong tao, nagpupumilit sa puntong ang mga taong iyon ay tunay na botante nila, gayong sa katotohanan, mga flying voters nga. Kung kulang sa representasyon, mali naman ang ipinapakita ukol sa babae. Hindi ba maaaring sa mabuting anggulo naman? Hindi ba maaaring matapang ang babae sa pakikipaglaban para sa kaayusan ng kanilang bayan? O hindi ba maaaring habang hinahanda ng asawang babae ang kapeng barako sa harapan ng mga barako ay nagsasabi siya ng kaniyang saloobin ukol sa mga usapin nila?
Ang kuwento o pelikula ay tila walang pakialam sa mga ganitong usapin gaya ng pagwawalang bahala sa naging sitwasyon ng batang ginahasa sa umpisa ng pelikula. Matapos sabihin o ipakitang mayroong hinalay na bata, tapos na ang kuwento nito. Hindi na nagkaroon ng karugtong na impormasyon ukol sa na-rape na bata, walang pakialam at nagbibigay ito ng implikasyon na ‘ganun talaga, ginagahasa lang ang babae, tapos na.” Marahil hindi mulat ang manunulat o mga nasa likod ng kamera ukol sa naging kondisyon at sitwasyon ng kaso ni Nicole sa Subic. Hindi man lamang ba nagkaroon kahit kaunti lamang na katapangan ang babae o ina ng ginahasa na humingi ng tulong? Hindi ako naniniwalang noon at pati ngayon ay ganoon kahina ang mga babae. Marami na ang naglabasang mga pag-aaral ukol sa katapangan ng kababaihan mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Lutang ang ganitong papel ng babae sa pelikula, magmula sa mga bata, sa love-interest ng bida, hanggang sa mga matatanda. At ito ang nagbigay sa akin ng implikasyon na ang Barako bilang pamagat ay hindi lamang tumutukoy sa kapeng barako kundi binibigyang diin nito ang ‘kagalingan’ ng mga lalake – ang lalakeng baboy. Ang barako o lalakeng baboy kung napapansin natin ay walang ibang ginawa sa inahin kundi anakan nang anakan at kumain nang kumain. Ang paggamit sa salitang Barako bilang pamagat (tesis ng buong pelikula) ay katumbas ng pagsasabing ang babae ay isang inahin, inaanakan lang. Sa pelikula, pilit nitong itinatago ang katotohanang nagbibigay ito ng expresyong ang babae ay dinadaan-daanan lang ng kamera, at wala na siyang ibang papel bukod doon.
Puspusan ang pagpapalutang sa patresentrikong ipinapamukha ng pelikula. Hindi pa nakuntento sa paggamit o di paggamit sa presensya ng babae. Kung kaya, kung ating mapapansin ay mayroong papel doon ng isang bakla. May potensyal din sana ang papel na ito sapagkat sa kalagitnaan ng pag-uusap ng grupong Barako ay nagbibigay ito ng komento sa loob ng kaniyang parlor, sa kahirapang nararanasan nila na kaakibat ng pinoproblema ng naturang grupo. Mayroon itong matalas na pagsuri sa mga nangyayari sa kanilang bayan. Gayunpaman, natapos ang pelikula subalit hanggang ganoon lang talaga ang inabot ng papel ng bakla – ang maramdamang may maling nangyayari sa kanilang bayan. Subalit hanggang ramdam lang at walang ibang ginagawa. Kung mapapansin natin ay hindi rin ito kasama sa grupo. Mayroon itong potensyal na boses na sana’y makakatulong subalit tila hindi ito pinansin ng mga barako, na sana’y nakinig, kumilala at nagpalakas sa boses na iyon.
Kaugnay nito, mahalagang ding sipatin ang sinasabi ng pelikula ukol sa kasaysayan, partikular sa Katipunan. Kung inaangkin ng pelikula na ang grupong Barako ay nagtataguyod ng simulaing para sa pagbabago ng Katipunan, isang malaking kasalanan na ipakita ang babaeng kalahating naiiyak at kalahating nasasayangan sa pagsama ng kanilang katipan o kamag-anak sa rebolusyon. Ipinapakita lamang ng pelikula na ang mga babae, mula sa ating kasaysayan ay walang naging mahalagang papel, para sa pagbabago. At isa itong iresponsableng pagwawaglit sa naiwasto na nating kasaysayan.
Ang Barako at ang kaniyang Ending Credits
Marami nang pag-aaral na nagsasabing ang pelikula ang isa sa mga humuhubog sa kamalayan ng tao. Gayunpaman, nakakalungkot isipin na ang pelikula, na inaasahang makakapagpabago sa mga tao at lipunan ay mapabilang sa sinasabing katiwalian sa kamalayang Filipino. Ang mga indie films ay sumibol at sana’y yumabong bilang alternatibong hulmahan ng mapagpalayang kaisipan at pagpapahalaga, subalit kung ito ay nagbibigay ng maling ideolohiya sa mga manonood, ano pa ang silbi at tinawag itong alternatibo.
Madami ang umaasa at nag-iisip na ang mga indie films ang mag-aahon di lamang sa pelikula kundi sa kamalayang Filipino na din. Mainam sana itong aparato sa paghubog ng panibagong lipunan. Naghahain ito ng bago sa panlasa ng manonood. Layunin nitong humubog ng wastong kamalayan sa tao, at hindi para kumita. Mas realistiko, mas malapit sa puso ng tao, mas matipid dahil tipid ang gasto sa paggawa at mas mahusay kumpara sa meynstrim. Habang papalapit na ang katapusan ng pelikula, naisip ko, ang kapeng barako ba ay para lamang sa mga barako? O naisip ko lamang dahil barako ang humiling sa kapeng barako? Hindi kaya nila naisip na ang naghanda ng kapeng barako sa hapag ay ang inahin? Nang bumulaga ang ending credits ng indie film na Barako, isa lamang ang tanong ko, mayroon pa ba tayong maaasahan?
|