Ito Sana ang Sasabihin Ko sa Simula ng Ating Palabas PDF Print E-mail
Written by MANOLITO C. SULIT   



Maraming salamat sa inyong pagdalo sa tinaguriang World Premiere ng Barako. Ayon po ito sa nag-organisa ng Cinemalaya at ako'y nakikiayon na rin. Una'y Diyos, maaari ngang makarating sa malayo ang pelikulang ito (at maging ang iba pa).

Ang mapapanood ninyo ay ang director's cut ng Barako. Sana'y unawain ninyo kung may mapapansing kakulangan sa ilang aspekto. Bukas po ang aming mga mata at pandinig sa anumang puna at kapuna-puna sa pelikula.

Naging posible ang paggawa nito, hindi dahil may mayamang prodyuser, kundi may mga kaibigang handang mag-ambag ng talento, panahon at tulong para sa isang pinaniniwalaang materyal na may puso at may tapat na layuning talakayin ang lagay ng bansa sa pamamagitan ng mga karanasan ng isang munting bayan.

Kung hindi dahil sa tiwala ng naturang mga kaibigan at bagong kakilalang pagkuwa'y napamahal na tila mga kapatid, alam ko at malinaw sa isip ko (bilang isang nag-akalang maging prodyuser at direktor) na hindi maisasakatuparan ang pagbuo ng pelikulang inaasahan kong magkakaroon ng matibay na kabuluhan sa karanasan nating mga Filipino.

Gusto kong isalaysay kung paano nabuo ang produksyong ito. Noong nakaraang Cinemalaya (2006), libre akong nakapanood ng marami-raming pelikulang indie sa pagtatapos ng aking isang-taong pansamantalang termino bilang kawani ng Visual, Literary and Media Arts department ng CCP. Kasama ko noon sa panonood ang aking napakabait na amo, si Hermie Beltran, at isang napaka-grasyosong kaibigan ng halos lahat, si Tito Dok Luis Gatmaitan. Sabi ko sa kanila, sa isang taon, sasali ako rito.

Nagpasa nga ako ng entry para sa kasalukuyang Cinemalaya. Tinanong agad ako ni Vicky Belarmino kung itutuloy ko pa rin ito sakaling hindi palarin. Oo ang sagot ko.

Hindi nga pinalad makasama sa shortlist ang Barako. Sandali akong nalungkot, pero armado ng paniniwalang mayroon akong magandang materyal, inilako ko ang ideya kung kani-kanino, pati na sa Committe on Cinema ng NCCA. Dalawang ulit na-defer ang proposal, bago tuluyang naaprubahan. Nasa ikatlo ng kabuuang gastos ng produksyon ang grant na ipinagkaloob ng naturang ahensya.

Dalawang buwan kong sinulat ang mahigit isandaang-pahinang dulang pampelikula batay sa karanasan ko at ng aking mga kababayan sa hindi kilalang bayan ng Ibaan, Batangas.

Isang kababayan sa Amerika, si Warly Guerra, ang tumayong kasama kong prodyuser. Kahit marami siyang pinagkakaabalahan at gastusin, hindi siya nag-atubiling magpadala ng hindi gagaanong halaga para lamang matuloy ang pelikulang maglalagay sa aming bayan sa mapa ng mundo.

Kagaya ni Warly, sapul ay sinuportahan ako ng kababayan at kaibigang si Marjorie De Castro sa proyektong ito, sampu ng kanyang pamilya.

Sa pamamagitan ng kanilang mga tulong, kasama ng ilang buwan kong suweldo, mga donasyon at kaunting sponsorship, naitaguyod ang mula 12 hanggang 15 araw na shooting tuwing Sabado at minsan, maging araw ng Linggo, mula ikawalo ng umaga hanggang alas tres ng susunod na araw.

Ilang kasamahan sa CCP ang nilapitan ko, at hindi naman nagkait ng kanilang panahon. Kauna-unahan na si Dennis Marasigan (Pang. Tinong). Sa pamamagitan niya, nakilahok sa pelikula sina Paolo O'Hara (Junior) at Bong Cabrera (Engr.). Siyempre, malilimutan ko ba naman sina Minda Casagan (Bikolana), Clottie Lucero (Cely), Alfred Nemenzo (sound recordist), Nestor Lucena (Bikol), Vic Maaslom (Drayber/Badigard ni Pangulo) at Rodel Valiente (offline editor)?

Niyaya ni Frank Rivera ang mga kaibigang aktor, gaya nina Arthur Casanova (Meyor), Cecille San Gabriel (Dolores), Leo Fernando (Berto) at Rham Ismadi (James). Hindi ko na matandaan kung si Dennis o si Frank ang kumausap kay Carlon Matobato (Mando).

Minsan, niyaya ako ng ating pambansang alagad ng sining, si Sir Bien Lumbera, para sa isang tanghalian kasama si Arnold Reyes (Publisista). Si Sir Bien na rin ang kumausap sa kababayang si Leo Martinez (Pulitiko). Si Arnold naman ang nagyaya kay Angeli Bayani (Angie).

Si Tata Nanding Josef (Golot) ang nagpakilala naman sa akin kay Sir Behn Cervantes (Timoteo). Pinakamasaya yata ang pagkuha namin ng kanyang eksena! Kagaya ni Sir Behn, nahatak ding gumanap sa isang papel maging ang tiyo ni Ron Papag, si Engr. Boy Quinto (Koronel).

Sadyang espesyal ang pagbanggit ko sa MTV King, si Sir Simplicio Bisa (Ka Idro), na kasa-kasama namin kahit saan, kahit noon pa man. Nakakataba ng puso ang pananabik niyang lagi kaming makasama.

Napatunayan naming hindi lamang epektibong aktor si Tots Aguila (Chito), kundi epektibo ring tagaaliw sa mga miyembro ng produksyon (sa pamamagitan ng pagbasa ng kanilang mga horoscope).

Habang nabubuhay ako, hinding-hindi ko malilimutan ang laging pakikiisa sa aking mga proyekto ng taong tinawag ang sariling dakilang kaladkarin, walang iba kundi si Vim Nadera (Arman). Kasama rin, siyempre, ang hindi matatawarang talento at sakripisyo ng makata at manghaharanang si Mike Coroza (Igme), at ng kagurong si Ramil Correa (Maestro)

Kung sakripisyo rin lamang, matindi ang ginawa ng ating magigiting na kawal, sina Louise Amante, Ryden Callueng at John Torralba (lalong-lalo na!). Si Nonon Carandang na pikit-matang ginampanan ang papel ni Alejandro aka Sandara, at si Wena Festin, ang kontrabida sa buhay ni Carlon as Mando. Si Betty Uy-Regala (Lorna) na laging nariyan para sumuporta sa proyekto, at si Beverly Siy (Susan) na hanggang sa pelikula, bahagi ng kanyang karma ang pagsilbihan si Vim Nadera.

Sa pamamagitan ni Sol Corong (asst. director), dumating ang makatang-bayang si Tata Raul Funilas (Konsehal) (pagaling kayo, Tata!) at ang mga barakong sina Rey Comia (Miron) at Vic Tiro (Kontra). Naging masigasig namang tagapagtaguyod ng Barako ang makabayang si Joel Malabanan (Hepe) (salamat, pareng Lakan!).

Maraming salamat din kina Jessa Asuncion (Kasintahan), Dianne Compra (Jenny) (sa pamamagitan ni Dexter Cayanes) at Khyle Banda (Bugaw). Hindi ninyo alam, kabilang din sana sa cast sina Eros Atalia, Soliman Cruz, Ronnie Lazaro, Jun Cruz Reyes at siyempre, si Frank Rivera. (Maraming salamat din sa inyo!)

Sa unang sabak namin noong Disyembre 2006, marami kaming problemang kinaharap. Bilang prodyuser, tinanggap ko ang hamong baguhin at isaayos ang produksyon--isang desisyong hindi kailangang maging kasiya-siya sa lahat.

Nang tumuntong uli ako sa larang ng produksyon makalipas ang dalawang buwan, kasama ko na ang isang determinadong hukbo ng mga artista at tekniko. Inagapayan ako ni Emman Pascual sa direksyon, na siya ring naging mata ng sinematograpiya. Inagapayan naman ako ni Ron Papag sa pagpaplano at pagsasagawa ng lingguhang shooting. Si Sol Corong naman ang naging matiyagang tagapagpatupad ng mga ninais kong makita sa eksena.

Pinagaan ang lahat naming responsibilidad ng maparaan at puno ng pasensyang sina Makota Aguilar, Jen Cabrera, Lark Catanghal, Mary Edeza De Leon, Krinel Escalona, Cecille Sevilla at Paul Zapata (PAs).

Bago kami magtungo sa lokasyon, inihahanda na ng mga ka-barakuhan kong sina Mike Quiño, Cris Roallos at Solomon Sulit (PD team) ang mga kakailanganin sa eksena (kabilang na ang mga baril, kanyon at gatling). Binuksan sa amin ng ilang kababayan ang kanilang mga bakuran, kauna-unahan na ang aking mga biyenan, Rolando at Lita Ramos, mga ka-barakuhang sina Jojo De Castro, Vido Gonzales at Ninong Cesar Marasigan, ang magkapatid na sina Arnel at Danny Toreja, at ang pinsan kong si Solomon. Ginampanan ng anak ni Ninong Cesar, si Franz, ang papel ni Itoy (nang bata pa ang Publisista), kasama rin ang kanyang ateng si Kristine Marasigan.

Sa lahat-lahat, nakarating kami sa apat na lalawigan (Batangas, Laguna, Quezon at Bulacan) at isang lungsod (Quezon City) para kunan ang maraming eksena, tauhan at mamamayan ng lipunan ng Barako. Nangyari ito dahil sa dalawang bagay: una, may mga tagpong sensitibong kunan sa aming bayan, at ikalawa, nasa ibang lugar ang mga taong tutulong sa amin.

Ngayong narito na ang pelikula, nagpapasalamat naman ako kay Ed Cabagnot at kanyang  mga kasamahan sa kanilang paanyayang maging bahagi ang Barako ng matagumpay na Cinemalaya Independent Film Festival.

Ipagpatawad ninyo kung sakaling may nakalimutan ako sa mga naririto, subalit ang kahalagahan ng pagbaybay na ito ng mga papel ng bawat isa, ay upang bigyang-diin ang komyunal na katangian ng paggawa ng pelikula. Kung hindi nagkakaisa ang produksyon, hindi mabubuo ang isang pelikula.

Sa mga bumubuo ng produksyon, hinihingi ko pa rin sa inyo ang patuloy nating pagkakaisa. Ipinapalabas natin ngayon ang director's cut ng Barako, ngunit patuloy pa rin ang post-produksyon (ang higit na pagsasaayos/pagpapaikli) at nagsisimula pa lamang mabuhay ang pelikula sa imahinasyon ng mga manonood.

Hindi ko rin nalilimutang may pagkakautang ako sa inyo, sa loob ko at loob ng inyong mga bulsa. Gayunpaman, nakahanda akong maging maliit sa inyong mga paningin (sa pagkukulang na ito), sapagkat higit sa anupaman, napatunayan ko sa kanila... kaya nating gawin ang pelikula--at gawin itong masining, mabisa at makabuluhan.

Panahon naman upang patunayan nating tatauhin din sa takilya ang pinakamataong pelikulang indie ng taon!

Mabuhay ang Barako! Mabuhay tayong lahat!


-MANOLITO C. SULIT
 Manunulat, direktor at prodyuser

 
Copyright © 2010. Barako The Movie.
S5 Logo